Malang: Paggunita at Pasasalamat

malang
Si Maestro Mauro “Malang” Santos (Enero 20, 1927 – Hunyo 10, 2017). Larawan ay mula sa alchetron.com. (Nananatili ang pagmamay-ari ng karapatang-ari o copyright ng kung sinuman ang may likha ng naturang website. Ginamit lamang para sa layuning edukasyunal sa blog na ito.)

Malinaw pa sa aking gunita, bagama’t humigit-kumulang 27 taon na ang nakalilipas, nang una kong “makatagpo”, sa isang aklat sa sibika at kultura, si Mauro “Malang” Santos.

Ayon sa aklat na iyon na ipinalimbag ng noon ay Kagawaran sa Edukasyon, Kultura, at Isports, isa si Malang sa pinakamahuhusay na pintor sa bansa, bukod pa kina Juan Luna, Felix Resurreccion Hidalgo, Fernando Amorsolo, Ang Kiu Kok, at iba pa.

Mahilig din akong gumuhit noon, at sa katunayan, napasasali rin ako sa mga patimpalak sa paggawa ng mga poster sa tuwing magkakaroon ng mga okasyon sa purok na pang-edukasyon na kinabibilangan ng paaralang unang humubog sa hilig ko sa pagtula at pagsusulat, ang Paaralang Elementarya ng Concepcion, sa ngayon ay Lungsod ng Malabon.

Aaminin ko, hindi ko kailanman nakita ang kaniyang mga obra ngunit tumatak sa isip ko ang kaniyang pangalan–Malang; at dahil mahiligin ako sa magagandang akda, mga pinta at lilok, at mga bagay na may kinalaman sa sining, panitikan, kalinangan, at kasaysayan ng aking bansa, tila baga naging bahagi na si Maestro Malang ng aking puso, isip, at kaluluwa bilang Pilipino.

Magbubukang-liwayway ng Hunyo 10, habang ang kalakhan ay nahihimbing at nananaginip (at ang ilan naman, naghahanda na sa panibagong araw), tuluyang namaalam si Malang sa edad na 89. Muli, nalagasan ang industriya ng sining ng isa sa pinakamagaling at pinakahinahangaang alagad nito.

Sa isang obituwaryong isinulat ng CNN Philippines, sinasabing 10 taon pa lamang ang nawalang Malang nang magsanay siya sa pagpipinta sa pamamatnugot ni Teodoro Buenaventura, isang klasikong reyalista.

Taong 1946 nang magpatala si Malang sa UP School of Fine Arts, ngunit umalis din pagkaraan ng isang semestre para magsanay naman sa pagkadibuhista (cartoonist) sa ilalim ni Liborio “Gat” Gatbonton. Sa panahong iyon, namayagpag bilang dibuhista si Malang at noong 1955, isa siya sa nagtatag ng Bughouse, isang galeriyang nagtatampok sa mga kartun na likha ng Pilipinong mga dibuhista kagaya nina Larry Alcala, Hugo Yonzon, at ang kaniyang gurong si Gatbonton.

Sa isa pang obituwaryong isinulat naman ng Philippine Daily Inquirer, sinasabing taong 1966 nang ilunsad ni Malang ang Art for the Masses na ang layunin ay makalikha, sa pamamagitan ng printmaking, ng abot-kayang likhang sining sa masa.

Premyadong pintor at ilustrador mulang dekada ’50, nagsilbing inspirasyon sa mga nakababatang alagad ng sining si Malang. Sa kaniyang pagpanaw, nagluluksa man ang mundo ng sining dito sa Pilipinas at iba pang panig ng daigdig na kumikilala sa kaniyang husay at galing sa pagpipinta, iisa lamang ang natitiyak natin–nag-iwan siya ng di-mabuburang marka sa larangan ng sining-biswal sa Pilipinas.

Maraming salamat, Malang. Hanggang sa muling pagkikita…

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s